Thursday, 17 March 2016

Maunlad na Pilipinas


Maunlad na Pilipinas

Paano ba natin masasabing maunlad ang isang bansa? Nakikita ba ito sa mga imprastraktura, sa kalidad ba ng buhay ng mga taong nakatira rito o ang paggamit nila ng sarili nilang wika sa pang araw-araw na buhay? Mas maunlad nga ba ang bansang gumagamit ng kanilang sariling wika?

Ang magandang halimbawa ay ang mga mamamayan sa Estados Unidos, gumagamit ng Ingles. Ang mga mamayan ng bansang Hapon, Nihonggo ang gamit. Ang bansang China, Mandarin. Lahat sila, mauunlad. Paano? Gamit natin ang kanilang mga salita, mga produktong iniaangkat, at mga palabas sa telebisyon.

Hindi tulad ng ibang bansa, ang Pilipinas ay nakaranas at nagdaan sa iba't ibang uri ng pananakop at dalamahati. Hindi rin tulad ng ibang bansa, tayo ay sumuong sa iba't ibang uri ng pang-aapi. Ngunit bumangon tayo. Sa kabila ng poot at sakit ay nakaipon tayo ng sapat na lakas ng loob upang lumaban at nakuha nating akalaya. Ngunit sa paraan ng paglaban, tayo ay nangailangang mangopya. Upang sila ay ating magapi, ginamit natin kung ano ang meron sila – ang kanilang wika. Nag-aral si Gat Jose Rizal sa Espanya upang matutunan ang klase ng buhay doon at magamit ito para sa ating kalayaan.

Ngunit bukod dun ay kanya ring pinag- aralan ang kanilang wika upang masulat ang kanyang mga nobelang tutuligsa sa mga Kastila at mamulat ang ating kaisipan sa mga maling doktrina ng mga ito. Nagtagumpay si Rizal. Ngunit matapos ang kaliwa't kanan nating pakikipagdigmaan at pagtatanggol sa ating lupang sinilangan, nasaan na nga ba tayo sa sukat ng tagumpay at kaunlaran? Sumulong nga ba tayo tungo sa tuwid na daan o umurong dahil sa baluktot na kaisipan? Laging sinisisi ng mga mamayan ang gobyerno na may salarin sa kahirapan ng bansa ngunit ang sabi ng midya ay tumataas ang antas ng ating ekonomiya. Hindi raw nagsisinungling ang mga numero pero bakit hindi maramdaman ng nakararami ang kaunlarang nasa mga ulat? Mga mayayaman na lang ang yumayaman at ang mga mahihirap ay patuloy na naghihirap. Totoo nga yata yung nabasa ko, kapag ninakawan ng mga mayayaman ang mag mahihirap, pagnenegosyo ang tawag; ngunit pag lumaban ang mga mahihirap, karahasan ang katumbas. 

Mayaman tayo, nagkukunwari lang tayong mahirap. Hanggat nasusuportahan natin ang pang araw-araw na buhay, hindi natin masasabing mahirap tayo. Hanggat gumagastos ang gobyerno ng malaking halaga para sa mga kalakal sa loob at labas ng bansa, hindi maghihirap ang bansang ito. Hanggat maraming malalaking kumpanyang namumuhunan sa bansa at nagbibigay ng maraming trabaho, hindi tayo maghihirap. Kaya hindi tayo mahirap! Tayo lang ang nag-iisp na mahirap tayo dahil ito ang isinisiksik sa ating mga kokote ng mga namumuno sa atin at mga mga taong sa tingin nila ay mas nakaka-angat sila sa buhay ngunit hindi. At ang mga namumuno, halos lahat kung hindi man lahat, ay gagawin ang lahat sa abot ng kanilang kapangyarihan upang manatili tayong mahirap.

Kaya gumising tayo sa katotohanan na ang bansa natin ay mayaman. Mayaman tayo sa likas na yaman, mga yamang-mineral, lakas-tao, produkto ng mga utak na matatalino at malikhain. Mayaman tayo sa kaibigan, sa mga ngiti, at mga karanasan. Mayaman tayo sa gandang-asal, makulay na kultura at iba't ibang wika. At ang wikang Filipino ang ating magiging sandata sa pagkamit ng ating pambansang kaunlaran. Hindi man ngayon, hindi man agad-agad, ngunit sa sama-sama nating adhikain ay ipapamana natin sa ating mga apo sa tuhod ang isang maunlad na Pilipinas.



(Entry para sa Buwan ng Wika na may temang: "Filipino, Wika ng Pambansang Kaunlaran".)

No comments:

Post a Comment